Wednesday, August 13, 2008

MYCT Program Inilunsad



Nag-umpisa na ang unang bahagi ng Mobile Youth Community Theater Program ng KASECA sa pamamagitan ng isang Basic Integrated Theater Arts Workshop (BITAW) na ginanap noong ika 1 - 4 ng Mayo, 2007 sa Gems Hotel and Restaurant, Antipolo City. Ito ang bahagi ng programa kung saan sasanayin at palalaguin ang mga kakayahan ng kabataan sa pag-arte, pagbuo ng palabas, pag-gawa ng props, at pagkabisa sa ibat-ibang bahagi ng entablado. May ibat-ibang ehersisyo para mapalakas ang tiwala sa sarili, mawala ang mga inhibisyon sa katawan, at maging sanay sa mga kilos at galaw sa entablado.

Pangunahing layunin ng programa ang maka-organisa ng isang sektor ng kabataan sa Caloocan na siyang magsasagawa ng mga palabas sa mga komunidad ng Caloocan para magbigay ng mga kaalaman at impormasyon. Sa ganitong paraan, makakatulong ang mga kabataan para maitaas ang antas ng kamalayan ng mga tao sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Tampok sa kanilang mga palabas ang iba't-ibang isyung kinakaharap ng mga kabataan sa sariling pamilya, sa kapwa kabataan, at sa mismong komunidad na ginagalawan. Bahagi din ng mga palabas ang pagtalakay sa isyu ng kahirapan, edukasyon, kalusugan, maayos na pamamahala at iba pang isyung panlipunan. Ang gagamiting batayan para makamit ang maayos at magandang buhay at perspektiba ng ugnayang populasyon at pag-unlad at ang buhay na karanasan ng mga pamilyang may matagumpay na pagsasama.

Bago ang BITAW, nagkaroon muna ng mga oryentasyon ang mga kabataan sa Adolescent Reproductive Health, Education for All, at POPDEV Interrelationship. Si Gng. Vilma dela Cruz ang naging taga-pagsalita sa ARH at si Gng. Rebecca Gaddi, ang Project Coordinator ng PRRM Packard Phase III Project ang tumalakay sa EFA at POPDEV.Ito ang magiging batayang impormasyon ng mga kabataan sa pagbubuo ng kanilang mga ipalalabas sa komunidad.

Ang mga naging tagapagsanay sa tatlong araw na workshop ay sina Merlan Nazareno at Elaine Benicarlo na parehong nagsanay sa PETA, katulong ang kaibigang si Aris Bagtas ng Arts Association of the Philippines para sa kasanayan sa visual arts.

No comments: